ni Keisiah Dawn Tiaoson | Marso 17, 2023

Paano hinubog ang pagsintang
Kaakibat ang walang hanggan?
Maaring hubog sa mga matang nangungulila sa kumot
O buhat ng mga labing nakasimangot —
Ngunit may kislap sa bawat sulyap
At indak sa bawat halik at yakap.
Wariin mang ika’y kayumangi’t ako’y maputi
O ako’y makata’t ika’y mang-aawit —
Sa yaman nitong lahi, tayo’y iisa
Sa lawak nitong daigdig, karangalang ika’y makita.
Kuwento sa timog iyong binaon,
Epiko sa hilaga kaniyang ipinaksa.
Kendeng sa kanluran bukas ay hahatawin,
Dito sa silangan, bawat isa’y yayakapin.
Bagamat tayo’y iisa sa lahi’t, anak ni Ina,
Luha mo’y lungkot ko rin, maging tagumpay ko ay atin.
Mata mo’y salamin ng aking kaluluwa.
Higit ay ‘di nais kung kayo’y kinulang
At sa bagyo, sakuna’t unos,
Puso’y tumataba sa kaalamang —
Tiwasa’y ‘di nanaisin kung ako’y nanlilimos.
Tagpuan ng pulo ang pagbabayanihan, ang pagkaka-isa
Sa yaman nitong lahi,
Katarungan, pagmamahal sa kapwa, at karampatan
Ang buod ng buong ikinalulugod.