Friday, June 21, 2024

Para sa Iyo, Babae

by Zarelle Glen Dorothy A. Villanzana | March 13, 2022

Mananaludtod ako nang malaya,
Para sa iyo, babaeng kahanga-hanga!

Sabi ng mga tao sa paligid,
Ikaw ay katumbas ng
isang bulaklak sa hardin:
Malambot, malumanay,
makulay, kaakit-akit
sa mga bubuyog at paru-paro,
sa mga kamay na nais pitasin
ang mga talulot,
nais durugin
ang iyong kumpiyansa,
at ipagpalit sa talim ng
lumalabas na mga salita,
“Ganiyan ka lamang,
itinanim sa lupa,
walang layunin kundi
kagandahan at pag lanta.”

Ngunit, kahit ikaw ma’y
nakatanim sa lupa,
italudtod mo nang taas-noo,
“Ako’y isang bulaklak,
ako ay hindi bulaklak lamang,
nakakapagbigay-buhay at
kulay sa mundong ubod ng payak,
ang pag usbong ko’y
walang hangganan, dahil
ako ay hindi isang bulaklak lamang!”

Sabihin man nilang
“Isa kang lagalag na ibon,
pabulong ang pananalita,
hayaan mong balutin namin
ang iyong buong pagkatao,
balutin sa kamay
ng uwak,
bilang isang maliit, munti, hamak,
at walang kalaban-laban dahil
ikaw ay isang babae lamang,”

Tumindig ka, lumaban,
dahil ikaw ay isang babae!

Ikaw ay isang babae;
at sa tuwing ika’y ihambing sa
kung anu-anong walang saysay,
diba’t isang kalapastanganan ito
sa iyong pagkadalisay?
Ika’y kasingganda ng bulaklak,
may mithiing ‘singtaas ng lipad ng agila,
buhay mo’y isang paglalakbay,
at tiyak na marami-rami pa
ang iyong maipapakitang
hindi pangkaraniwan,
habang isisigaw mo nang tuluyan,
“Ako ay babae, hindi babae lang!”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest articles