Friday, March 29, 2024

Bata, Magpahinga Ka…

ni Zarelle Glen Dorothy A Villanzana | November 27, 2021

May bulateng nananahanan sa 'yong bituka
Buhay silang nag-aabang sa itaas, sa 'yong utak,
Kumakapit sa buhay, kinakain ang sarili,
Sa pagod mong katawan, sila ay nananatili.

Mga buhok mo'y maganda, ngunit ako'y nag-aalala,
Ano pa ba't mga mata mo'y may bahid ng puyat?
Subukan mo pang lumabas habang araw ay sumisikat,
At magiging kawangis na ng iyong puyat,
Ang mga buhok mong lumalagas.

Bata, o munting bata, magpahinga ka
Ang munti mong mga mata'y nanamlay,
Luha mo'y larawan ng kanilang pagmamakaawa,
"Kami napapagod, kailangan na naming magpahinga!"

Sa siklo ng liwanag at dilim
Ni Isang beses hindi mo pinapahinga sa lilim
Mga mata mo'y sobrang lalim,
Ika'y tila kasingtamlay ng paligid sa takip-silim.

Bata, nakita mo ba, ramdam mo ba, ang pangangayat,
Ng kalaro mong magdamag na nagpupuyat?
Tingnan mo mula sa maalikabok mong bintana,
Kalaro mong nakahigang namumula?

Buksan mo ang bintana at tingnan mo bata,
Kita mo ba ang kanyang mata?
Malalim, walang buhay, at lumuluha.
Nakatulala, binibigyan ka ng babala.

"Almusal na!" oh tinatawag ka na pala
Tandaan mo ang nakikita mong larawan,
Babala sa yamang dapat mong ingatan,
Habang patungo ka sa hapagkainan.

Kumain ka muna, at tandaan mo bata,
Sa paglubog ng araw at pagliwanag ng mga bituin,
Makinig ka sa munti kong hinaing,
Bata, magpahinga ka.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest articles