Thursday, December 1, 2022

Sa Unos ng Gabi

by Ivan Anthony Adaro | November 27, 2021

Sa tahimik na silid, katawan ko'y sumubsob sa kama,
Walang makita maliban sa mga aninong umindak sa mata,
Nang paningi'y papikit na sana, kadilima'y biglang nawala,
Pinalitan ng mga kumikislap na ilaw na tumatagos sa diwa.

Dapat sana magkikinang ang mga bituin at buwan,
Ngunit bakit puting dikya lamang ang lumiwanag sa kalangitan?
Nang kulog ay humampas, nanginig ang aking katawan,
Habang tainga ko ay pilit kong tinatakpan!

Tinatakpan ng makulimlim na ulap ang malumanay kong gabi,
Pumagitna sa balot, ang mga unos na tumilamsik sa 'king tinatapakan,
Nang kumidlat ay tila naging lila ang liwanag sa ulan,
Habang iwinasiwas ng hangin ang nagkakaluskusang mga dahon sa kakahuyan.

Tila'y tuloy-tuloy ang tunog ng tambol sa bubong
na sumasaliw sa martsa ng walang katapusang parada.
"Kailan kaya titigil ang kulog?" tanong ko habang nakatingin sa daluyong,
na sa lalim at lamig ng gabi, ay paulit-ulit lamang na dumagundong.

Sa tahimik na silid, sa unos ng gabi,
Nakita ko ang kulog at kulimlim ng buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest articles