Tuesday, December 6, 2022

Pangitain sa Barko

by Zarelle Glen Dorothy A. Villanzana | January 21, 2022

Ang lalim na ng gabi noon. Ngunit malayo sa payapang sinasaliwan ng maliwanag na buwan, napalaot kami, lulan ng isang barkong iniindayog ng hanging tila ayaw kaming tigilan.

Bumungad sa aking mga mata ang mga tila kilalang mukha. Sa isang barkong pilit hinahampas ng malalakas na alon, nakita ko ang aking pamilya, datapwat ‘di sila lahat. Kung gaano kalakas ang kanyang hampas, ganoon din kalakas ang aming sigaw at iyak. Ang pagsagupa ng barko sa alon ang nagpayanig pa sa aming naguguluhang damdamin, at parang dinamitang sumabog ang naging tibok ng aking puso, nang muntik lamunin ng tubig ang dalawa sa aking kasama, puro nagsisipagiyakan sa ganap na delubyo. 

Habang tila nililigawan ako ng kamatayan, bigla akong nagising, pawis na pawis, habang napariwara ang isip mula sa masamang panaginip.

Gumising akong nakita ang sikat ng araw, na tila nagbigay sa akin ng panahong magnilay-nilay sa buhay. Lumipas ang ilang tulog at nagsilitawan na ang makulimlim na mga ulap. Edad sais ako noong umuwi kami galing sa salu-salo sa Pasko. Dahil sa lamig ng gabi, napapikit ang aking munting mga mata, para lang gisingin maya-maya, nakapatong na sa balikat habang inaabot ang kisameng aming sisilungan. Isang tapak at ako’y muntik mahulog. Pilit inabot ng tubig na nagkukulay-lupa ang aking munting mga paa, ngunit ang tanging nasalo nila ay ang nagpapatakan kong mga luha.

Ang animo’y panaginip ng nakaraan ay babala pala sa delubyong paparating pa lamang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest articles