By Lara Charmaine Lagorra
Tara, kape tayo.
Nagsisimula pa lang ang araw, pero pagod ka na. Sa mundong tila walang hinto, pakiramdam mo’y hinahabol ka ng oras kahit hindi ka naman tumatakbo. Gusto mo lang umupo, huminga, at magnakaw ng ilang minuto mula sa kabilisan ng buhay—kahit sandali lang, sa panahong laging pinaparamdam na ikaw ay nahuhuli sa lahat ng nangyayari.
Magpapahinga ang katawan na kumikilos at ang naguguluhan na isipan.
Ang unang tasa ng kape ay mainit at nakakapaso. Umuusok ito sa malamig na umaga, nagbibigay ng init at sigla—parang mga panahong puno pa ng pag-asa. Ngunit kapag minadali mo itong inumin, tila may biglang kirot sa dila mo na magpapaalala sa bumabalot na init nito, na humiwa pababa sa lalamunan—isang sakit na hindi man lang nagbabala.
Minadali mo, hindi ka nag-isip. Isang paalala na may mga bagay sa buhay na hindi pwedeng ipilit, hindi pwedeng unahan, at hindi pwedeng madaliin nang walang kapalit na sakit.
May mga araw na mapait ang timpla. Tulad ng mga sunod-sunod na pagsubok at mga tanong kung tama pa ba ang mga naging desisyon mo. May mga araw namang may tamis—maliliit at mapayapang sandali kung kailan umaayon ang lahat. Hindi engrande, hindi pambihira, ngunit sapat para ipaalala na may mga panahong maayos din pala ang mundo.
At mayroon ding malamig. Mas piliin mo man ang iced o maghintay mawala ang init, pero sa pag-aalinlangan sa paghihintay, natunaw na o nawalan ng lasa ang kape. Katulad ng mga pagkakataong hindi mo sinubukan dahil sa takot at pag-aalala ng mga “paano kung..?” Ngayo’y iniinom mo na lang kahit wala na ang init – tapos na ang pagkakataon mo. Tulad ng mga araw na nagpapatuloy ka kahit manhid na, kahit pagod na sa pakiramdam na laging may hinahabol.
Sa gitna ng lasang sakto lang, may mga pag-uusap na hindi minamadali. Minsan may salita, minsan wala. At sapat na ‘yon. Hindi lahat ng pagod kailangan ipaliwanag. Hindi lahat ng bigat kailangang pasanin agad. Minsan, pahinga ang unang kailangan—isang sandaling pagtigil bago muling harapin ang magulong mundo.
Mauubos ang kape. Lalamig ang tasa. Babangon at babalik ka sa buhay na hindi humihinto. Ngunit dapat may maiwan na kaunting ginhawa, lakas, o simpleng paalala na pwede ka palang huminto, kahit isang saglit lang.
O ano? Tara, kape tayo.