By: Lara Charmaine P. Lagorra
Sumiklab ang kadiliman ng langit,
Hanging malamig, umulang takip silim.
Tumakbo tungo sa bangin, hindi makalaya,
Ngunit ‘di maalis, sila’y laging magkasama.
Tumitira sa pagitan ng mga ala-ala,
Silid na minsang tahanan ng tawa’t luha
Mga lansangan na parte ng buhay,
Sariling mundo’ng isip at puso’ng tunay.
Marami sila ngunit hindi mapigilan,
Hindi mo inaasahan, ‘di mo matanggihan.
Akala mo’y tanggap na, akala mo’y mapayapa,
Pero bakit hinahabol ka nila?
Wala kang magawa, kumakapit sa iyo,
Ngunit hindi tao ang nakaharap mo.
Isang naiwang pangarap,
Bata pa noong tinanim sa mga bituin.
Ikinuwento sa guro, isinulat sa liham,
Ngunit iniwan dahil kailangan nang gumising.
Praktikal ang pinili’t hindi ang tibok sa hilig,
Paano kung tinahak mo at sinubukan?
Tamisang pait hiningang galing sa puso,
Landas ay sinugal kahit nagdadalawang-isip na.
Mga hangad na ‘di nilakasang kinapit,
Pangambang likas, matindi at mabigat.
Takot harapin kaya’t naiwang nakabiyak,
Bawat hakbang, kasabay ang pagdududa at pangamba.
Isang tao, pamilya, kaibigan, o sinta,
Ating pahinga kapag napapagod o nagwawala na.
Kaginhawaang yakap sa bawat pagbabalik,
Mag-aalaga sa atin sa sakit at pagsubok din.
Boses nila’y mapayapa na gabay sa ligaya’t lungkot,
Mga salitang ‘di nasabi, takot na pinigilan.
Ngiting kasing-liwanag ng bituin kahit madilim,
Biglang sumindi ang silid—sila’y nawala, naglaho na.
Akala nating kasamang habambuhay magpakailanman,
Ngunit humiwalay ng landas sa panahon at paglipas.
Mga luha, panghihinayang, at pagkawala,
Puso’y nasugatan sa gitna ng paglalakbay.
Mga salitang hindi nasabi,
Bawat ala-ala’y sugat nananakit, patuloy na umuukit.
Takot na pinipigilan ang pagkapit nila,
Sa bawat hakbang ay kasabay ang pagduda at pangamba.
Isang nakaraan, kasalukuyan, at darating na panahon,
Kumapit sa takot, pagbabago’y ‘di matugunan.
Walang katiyakan kung tama ang pasya,
O ano ang resulta sa susunod na hakbang.
Masayang sarili, ngiti ay laging bitbit,
Pusong malikhain, tula’t kwento ang iniibig.
Tagumpay na hawak, medalya’t dangal ang gabay,
Noon, umaasang bukas ay payapang tunay.
Ikaw—dati ay iba, ngayo’y nagbago.
Sariling nakaharap sa salamin, ‘di mo na makilala.
Takot sa landas, ‘di alam ang pagsuyo,
Sa bukas na ‘di tiyak, ang pag-asa’y nagtila,
Kung tagumpay ba’y makamtan sa mundong malawak.
Habang tumatagal, unti-unti tayong nasasanay,
Hinaharap ang bagay na ‘di natin saklaw o gabay.
Kahit sino, ano, at bakit—anuman ang dahilan,
Madalas damhin ang pusong naghihintay ng kasagutan.
Buhay ay patuloy sa pag-usad magpakailanman,
Marahil kwento’y di ayon sa ating inaasahan.
Maaaring ngayon ay ‘di itinadhana,
Ngunit sa dulo, may ngiti’t pag-asang sasalubong.
Nawa’y matutunan nating sumulong nang buong tapang,
Hindi paglimot, kundi pagtanggap ng mga aral at dangal.
Patawarin ang sarili at pag-asa’y muling buuin,
Tanggapin bawat kwentong-buhay, hiwaga, at yugto.