The Weekly Sillimanian

Hagupit ng Kalikasan

By Lara Charmaine Lagorra

Ang lungsod natutulog, tahimik na,
Mga tao ay pauwi, pagod ay daladala,
Bumubuhos ang ulan dahan-dahan,
Lumipas na ang isang araw, tahimik na sa wakas.


Parang uling ang itim sa langit,

Kumukulog ang naririnig,

Sa tabi ng bintana, ang puno ay nanginginig,

Dahan-dahang umaakyat ang tubig sa lupa.

Ang mga telepono ay nag-iingay,

Sunod-sunod ang mga mensahe ng pagdamay.

Patak ng ulan ay patuloy,

Ang lupa ay nagising mula sa pagtulog.

Niyanig ang sahig na semento,
Mga pader sumasayaw sa ritmo.
Ilaw ay patay-sindi sa dilim,
Hahatakin pababa sa lupa ang nararamdaman.

Binabalot ang buong katawan ng takot, 

Nanginginig ang mga kamay at paa,

Mga mata’y  tumitingin sa kaliwa at kanan,

Saan pwedeng pumunta para magtago?

Nanatili sa pwesto, manhid, hindi makagalaw.

 

Sumisikat  na ang araw, sinag ay tumama sa hungkag na lupa,

Habang tinatahak ang mga guho, tanaw ay nasa malayo,

Pagbasag sa bintana at paghulog ng mga punong kahoy,

Isang lawa ng mga kaluluwang naglaho at lumisan.

 

Alingawngaw ng mga iyak at dasal ang maririnig,

Bansang tinamaan ng malungkot na kapalaran at dilim.

Gutom pumipintig, uhaw ay dumadaloy,

Mga tao sa lansangan, naghihintay sa bukang-liwayway.

 

Hinding-hindi malilimutan ang buwang Oktubre,

Mga kasunod na pagyanig ay nararamdaman,

Ang lindol ay patuloy na nasa isipan,

Isang puwersa na hindi mapipigilan.

 

Ngunit tayo ba ay handa? 

Ituloy ang lakad, tatagan ang loob at dangal.

Panalangi’t pananampalataya’y palawakin,

Sa alab ng puso, walang bagyo’t lindol ang makakapagpawi sa atin.

Keep Up to Date with the Most Important Silliman University News

By pressing the Subscribe button, you confirm that you have read and are agreeing to our Privacy Policy and Terms of Use