By: Lara Charmaine Lagorra
Kumusta na? Iyong tanong sa isip ay dumaan,
Ilang taon lumipas, muling sinundan,
Tadhana ay naglalaro, tayo’y pinagtipon,
Mga alaala ay binuhay, sa puso’y sumubong.
Nagbago man, ‘di naglaho ang damdamin,
Puso ko’y tumitibok sa bawat tingin,
Imahe mong abot langit na aking hinahangaan,
Tayo ay nasa magkabilang pinto, tahimik, ‘di nagsalita.
Kumakabog ang puso sa muling pagkikita,
Ngiti mo ay abot bituin, lumiliwanag sa tuwa,
May misteryo at angas ay taglay mo pa rin,
Sila ay ‘di nakakaalam ng lihim ng puso.
Nandyan pa rin ang misteryosong at angas mong taglay
Sa tabi ng tula at awit, ako’y nabighani,
Ikaw ang gabay, sa puso ay naghahari,
Walang kapantay ang ganda mong banal,
Boses mo ang awit na walang kapantay sa kalangitan.
Ikaw ang kanlungan sa bawat unos,
Saksi sa luha’t puso kong gusot,
Sa‘yo ako ay laging tumatakbo,
Habang mundo’y naguguluhan, nag-aatubili rin ako.
Sa bawat linya at salitang sinusulat ko,
Kahit ilang tula o awit ang gawin ko,
Para sana’y mapansin mo ako,
Ngunit tila pagkahumaling ang nadarama ko?
Isang panaginip na di ko makamtan.
Nakaupo at hawak ang larawang dati nating tahanan,
Alaala ng kahapon, di nawawala at lumalaho,
Lumang larawan ngayo’y di na tunay,
Sa puso’t isip ay sugatan, pilit tinatanggap ang taglay.
Di tayo nagkakasundo sa harap ng bukas,
Takot na masira ang saya’t ganda ng nakaraan,
Kaya tayo’y nakakulong, ‘di marunong bumitaw,
Kadenang alaala ang dahilan ng pagdurusa’t luha.
Akala nating tapos na ang lahat,
Ngunit ang puso’y nakakapit pa rin sa dati.
Mga alaala’y parang aninong sumusunod,
Hindi tayo makalaya, kahit pilit nang lumisan.
Simoy sa lamig ng ulan,
Pighati nakakapit pa sa nakaraan,
Ano itong takot na pilit nating itinatago?
Sana ikaw na nga, sana ikaw.
Bitaw na, mangibabaw sa buhay na ito,
Kahit ibig sabihin ay limutin ako,
Hindi hadlang ang nakaraan sa ating daan,
Ako’y nais pa ring makita kang muli ng tumahan.
Muli kang sasalubong, mas matatag sa paglalakbay,
Ako’y nagpapasalamat sa ‘yong alaala’t gabay,
Natagpuan ko ang sarili sa mga pangakong binigay,
Isasara ang pinto ng kahapon, paalam, simula ng panibagong buhay.